Ang Anghel na May Baling Bagwis (page 2)





Walang-wala ang aura ng pinakamatandang bampira na si Vladimir kahit sa buo nitong potensiyal kung ikukumpara sa ngayo’y wala man lang sa dalawampung porsiyentong inilalabas ni Alaric. Iniisip ko pa lang ang buong potensiyal ng kapangyarihan nito, kinikilabutan na ako at nangangatog. Tinatanggap kong malakas talaga ang prinsipe na ito.

Agad na binuksan ni Dante ang pintuan upang ipakita sa mga nasa loob ng silid kaming mga kasama niya.  Literal na nanginig ang aking tuhod sa direktang kontak ng aura ni Alaric.  Kung tutuusin swabe ang pagpitik nito sa akin, at kahit nakaharang maski ang aura ni Edmund upang maproteksiyonan ako, halos wala itong nagawa.

Bukod doon, hindi nakakatulong ang mga mapanghikayat na boses na inuutusan akong lumuhod at sambahin ang nilalang na nagtataglay ng kulay mais na buhok.  Sa paningin ko, napakaganda niya.  Katulad siya ni Lucifer na ginagawa lamang na pawang mga damit ang ibang anghel. Gusto kong gumapang papunta sa kaniyang paanan upang halikan ang mga ito.  Umaagos ang mga luha mula sa aking mga mata, nasa harapan ako ng isang diyos.

Sambahin mo ako, nilalang ng liwanag...

Humakbang paharap ang kanan kong paa.

Halika at sambahin mo ako... Sakranti...

Sa isang kumpas, kinuha ng kaliwa kong kamay ang maliit na punyal na ibinigay sa akin ni Isabela at mabilis itong itinarak sa kaliwa kong hita. Sa unang pagkakataon, nagpasalamat ako sa matinding sakit. Ginising ako nito mula sa hinabing hipnotismo ng mababang uring kalahating demonyo na ‘yon.

Noon ko lang naramdaman ang mga bisig ni Edmund. Noon ko rin lang nakita na may mga babaeng halos hubo’t hubad ding nakalingkis sa magkabilang bisig ni Prinsipe Alaric. May isa ring parang haponesa sa kaniyang paanan.  Lahat sila ay nakatuon ang pansin sa akin.

Mukhang sawimpalad ang mga ito dahil hindi sila makaalis sa hipnotismo ng prinsipe. Sa pagkakaalam ko, para sa isang ordinaryong tao maaaring magtagal ang hipnotismo habambuhay o hanggang sa mawala sa mundong ibabaw ang kumukontrola sa kanila, bagay na mahirap mangyari dahil imortal lamang ang may kakayahang manghipnotismo ng ganito.

“Salamat at gumising ka na, Tiana.” Isang matipid na tango ang iginanti ko pero hindi ko inalis ang tingin sa mukha ng nakangising si Alaric habang tinatali ko ang kapirasong tela mula sa aking damit sa paligid ng aking sugat. Tinitigan ko siya nang masama habang itinaas niya bilang pagsaludo ang kopang hawak.

“Malakas ka nga katulad ng sinabi ni Dante.”

Ginamit siguro ng mga ungas ang kakayanan nilang mag-telepathy.

“Mukhang masyado niyo naman ako wine-welcome, kamahalan,” pabiro pero alam kong kuha niya ang ibig sabihin ng matalim kong titig.

Tumawa ng malakas ang kalahating demonyo. Maski ang halakhak nito’y kalkulado at ngayong malaya na ako sa hipnotismo, ramdam ko ang malamig na haplos na ito. Para siyang lamig mula sa North Pole.

“Dante,” tawag niya sa aliping likantropo, “Bakit hindi mo bigyan ng maiinom ang mga panauhin ko. Matagumpay silang nakapasok dito—hindi basta-basta ang ginawa nila—kaya dapat lang na bigyan naman natin sila ng pagtanggap katulad ng sa mga tao.”

“Edmund, bakit hindi kayo umupo malapit sa akin?”

Napansin kong hindi na ganoon kalakas ang aura ni Alaric. Anong nangyayari? Ang di ko maiwasang tanong sa aking sarili. Humina ito nang husto kung ikukumpara kanina.  Bigla kong naisip ang punyal na ibinigay sa akin ni Isabela.  Sinilip ko ito sa loob ng bulsa ng aking trench-coat. Nakita kong mabilis itong nagliwanag sa korteng “S” na may guhit na pahalang sa gitna na parang humati sa hugis.

Binigyan ko ng hudyat si Edmund upang sumunod kami sa kagustuhan ni Alaric.  Ako ang unang umupo.  Pinili ko ang upuang direktang nakaharap kay Alaric at sa tantiya ko, may isa’t kalahating metro ang layo lamang namin sa isa’t isa.  Dapat sa ngayon, nanginginig ako o tuluyan nang naduwal pero alam kong may kinalaman dito ang punyal ng aming Orakulo. Maliban pa roon, parang nawala ang sakit sa aking hita, parang hindi nasaksak.

“Malakas ang pakiramdam ko na may kinalaman sa ama ko ang pagpunta niyo rito.” Humigop ng kulay dugong likido mula sa kopa ang prinsipe at napapikit pa na animo’y ninanamnam ang bawat patak. Sigurado akong dugo nga ito dahil kumakalat ang amoy sa buong silid.

Gusto ko sanang itanong kung kanino dugo ang iniinom niya. Kung buhay pa ba ang biktima.

Lumabas mula sa isang madilim na lagusang nagdurugtong sa silid na iyon at sa pinagkuhaan ng maiinom namin si Dante.  Bukod sa kaniya, may nakita akong isang matangkad at maputing pigura.  Bago pa man mapako ang tingin ko sa kaniyang mukha, nakita ko muna ang itim na kadenang nakapulupot palibot sa kaniyang mga kamay at paa.  Magkarugtong ang magkabilang dulo ng mga kadena sa kamay papuntang paa.

Alam kong pinamulahan ako ng mukha dahil sa nakita kong halos walang saplot na gayak ng lalaki, narinig ko ang mahinang tawa ng buhong na prinsipe. Dahil natural ang di ko masuwetong kuryosidad, itinuon ko ang paningin sa noo’y lantad nang mukha ng bagong dating.

Kung namumula ako sa mga nakaraang sandali, tinakasan ako ng kulay sa sumunod. Napako nang tuluyan ang paningin ko sa nagmamay-ari ng mala-anghel na mukhang ‘yon na minsan kong hinaplos... na ang mga labi ay minsang tinikman ang aking mga labi.

Maging ang lalaking ito ay namumutlang parang nakakita rin ng multo. Nanginig ang kaniyang dalawang kamay na may dalang platera ng mga alak.

Ramdam ko ang pagtayo ko mula sa aking kinauupuan. Narinig ko rin ang boses ni Edmund na nagsasabi sa aking huminahon ngunit para itong malayong tinig.  Ang tuon lang ng buo kong pansin ay lalaking nakakadena.  Hindi ko namalayang umaapaw ang puting kapangyarihang nagmumula sa aking kaibuturan. Malaya itong umagos sa buong silid.

Narinig ko ang matitining na pagtili ng mga babae, may ilang ungol rin na parang nanggagaling sa mga hayop. Pero wala akong pakialam sa kanilang lahat. Iisa lamang ang nakikita ko at ito ay ang lalaking minsan kong minahal... o maaaring minamahal pa rin hanggang ngayon.

Lumuhod ang lalaki upang takpan ang kaniyang mga mata.  Hindi niya magawa iyon nang nakatayo dahil sa mga kadenang nakadugtong sa kaniyang mga paa.


“Lapastangan!” Isang hagupit ang tumama sa mukha ko. Mula ito sa prinsipe. Binaling ko ang tingin ko sa kaniya.  Sa puntong ‘yon nakikita ko na ang tunay niyang anyo.  Isa itong mabalasik na halimaw na maihahalintulad sa mukha ng isang mabalasik na lobo na may nakausling pangil na katulad ng sa elepante.

Sa mga sandaling ‘yon, hindi galit ang aking nararamdaman.  Hindi ko maipaliwanag pero kawangis ito ng lungkot. Pakiramdam ko rin mabigat ang aking kalooban pero nakalutang naman ang aking diwa, sinasalamin nito ang puting ilaw na aking pinapakawalan.

Nang muling subukan ni Alaric na hampasin ako ng kaniyang mala-latigong kapangyarihan, agad ko itong sinalo, mabilis na pinulupot sa aking kamay at hinigit siya patungo sa akin. Hindi ko maintindihan kung saan ako humugot ng ganoong lakas at lalo na kung paano ko naabot ang kaniyang leeg pero nagawa ko itong hawakan sa estilong para siyang sinasakal gamit lamang ang isang kamay. 

Umagos ang impormasyong mula sa kaniyang mga alaala patungo sa akin.  Malaya kong binasa na tulad ng isang bukas na aklat ang kaisipan ng isang matandang nilalang.  Ang buhos ng ilang milenya ng karunungan ay sumalin sa akin.  Hindi ko alam kung makakayanan ko pero pinilit kong kayanin.

Unti-unti kong nakita ang takot sa kaniyang mga mata.  Alam niya na nalalapit ang kaniyang katapusan sa mundo at ang tanging hantungan niya ay ang labirintong bilangguan ng Gehenna na sadyang naghihintay sa mga katulad niya.


Sa mismo kong kamay, natunaw ang isang makapangyarihang kalahating demonyo.  Hindi ko pa maunawaan sa ngayon kung paano ko nagawa na gapiin ang makapangyarihang nilalang na si Aldric. At maniniwala ka ba? Wala akong pakialam.

Nang humupa ang liwanag mula sa akin, nakaramdam ako ng panghihina.

“Sakranti!”

Madaling sumaklolo sa akin ang mga kamay ni Edmund.  Maliban sa kaniya nakita ko rin sa loob ng silid ang tatlong babaeng parang nagising mula sa isang bangugot.  Wala na si Alaric at si Dante nama’y nakahandusay sa isang sulok.  Sunog ang maganda nitong mukha.

Sinadya kong huwag lingunin ang isa pang nilalang na naroroon sa silid. Bagkus, pinuntahan ko si Dante.  Umuubo ito ng dugo pero sa tingin ko mabubuhay ito. At sa hindi inaasahang pagkakataon, tinanong ko siya ng isang katanungang hindi ko pa naiaalok sa kahit sinong tinuring kong kalaban.

“Gusto mo ba akong samahan sa aking laban, Dante?” Naging banyaga maski sa sarili kong mga tenga ang boses na lumabas mula sa aking bibig dahil taglay nito ang tonong halos tatawid sa hanggangan patungong kalamigan.

Umubo ang likantropo bago ito magsalita.

“Iaalay ko maging ang aking buhay, Sakranti.”

At naniwala ako sa kaniyang mga salita.

Marahan akong lumingon sa direksyon kung saan nakaluhod pa rin ang lalaking naging mitsa ng paglabas ng aking kapangyarihang naging sanhi ng kamatayan ni Alaric.

Alam kong malayang dumadaloy sa aking mga pisngi ang mga luha. Ilang hakbang lang ang pagitan namin pero pakiramdam ko, napakatagal bago ako nakarating sa kinalalagyan niya.

Tumingala sa akin ang mukhang ‘yon.  Nakita kong kumikislap rin sa mga luha ang kaniyang mga mata. 

Masisisi mo ba ako kung nakaramdam ako ng kirot nang makita kong muli ang pamilyar na mukhang ‘yon na napupuno ng magkahalong pagkapahiya at pagmamahal na siyang nakadirekta sa akin?

Lumuhod ako sa kaniyang harapan at niyakap siya. Humikbi ako nang humikbi katulad ng isang bata. At lalong lumakas ang mga ito nang maramdaman ko ang pamilyar na mga bisig na yumakap din sa akin.

“Mikhael, Mikhael!” Paulit-ulit kong sinambit ang pangalan niya sa takot na muli siyang mawala sa akin.  Para bang naniwala ako na kung sasambitin ko ito ng paulit-ulit, hindi na kami muling magkakalayo pa, at walang kahit sino ang magkakaroon ng kakayanang paghiwalayin pa kami.

No comments:

Post a Comment