(The pic's not mine, of course,
but this is Mikhael's perfect depiction.)
Kristianna
POV
Sinama
ako ni Edmund sa isang opisyal na kuta ng mga kalahating demonyo sa pusod ng
lungsod. Ang kuta ng mga alagad ng dilim
na ito ay isang high-end bar na kilala kung saan naglalagi ang mga
pinakamalalaking personahe sa mundo ng entertainment, mga bigating pulitiko at
pinakamayayamang tao. Ayon sa
eksplenasyon ni Edmund, hindi basta mayayaman lamang ang mga naririto kundi ang
pinakamayayaman, pinakasikat at pinakakilala lamang. Cream of the crop.
Pagpasok
pa lang ng bar, sumalpok na sa akin ang madilim na aura ng mga nilalang ng
gabi. Halo-halo sila rito. Nakikita ko
ang mga anyo nila habang nakikilala ko rin ang mga tao lamang na nasa
kakarampot na porsiyento lamang. Nakita
marahil ni Edmund na muntikan akong maduwal pagkasalpok ng masangsang na amoy
na pangkaraniwan sa mga nilalang ng dilim.
Kahit ang isang katulad kong alagad ng liwanag at isa sa mga hinuhubog
para maging pinakamalakas ay hindi handa sa ganito kalakas na kadiliman. Purong kasamaan ito. Malakas. Parang kamaong sumasalpok sa aking dibdib.
Marahil
ganito rin ang nararamdaman ng karamihan sa kanila dahil para silang dagat na
nahawi nang dumaan kami ni Edmund. May
isang buong metro siguro ang naging distansiya ko sa bawat tao o nilalang ng
gabi na nadaraanan namin. Nang
makarating kami sa dulo ng daan, isang nilalang na nagpapanggap na tao ang
lumapit sa amin pero pansin ko pa rin na nagbigay siya ng isang risonableng
distansiya. Sa tantiya ko, isa siyang
makapangyarihang likantropo.
Katulad
ng mga katulad niyang nilalang, isang magandang pangitain ang likantropong
ito. Pangkaraniwan naman sa kanila ang
maging guwapo o maganda. Ang mahaba’t
itimang buhok ng kaharap namin ngayon ay nakapusod sa isang mataas na
pony-tail. Kung ibang lalaki ang gagawa nito, magmumukha siguro silang tanga
pero iba ang isang ito. Sa taas na anim na talampakan na pina-igting pa ng
isang magandang postura dagdagan pa ng isang matipunong pangangatawan, hindi na
ako magtataka kung ang mga biktima na ang mismong lumalapit sa kaniya.
Sayang
nga lang at isa siyang likantropo at isang alipin ng mababang uring nilalang
tulad ni Alaric. Ang mga katulad niya ay karaniwang ginagawa bilang mga alipin
ng mga nakakataas na uring nilalang ng dilim dahil na rin sa kakayanan nilang
maging dalawang personahe—halimaw at tao.
Ang isang
ito ay isang malakas na likantropo. Nararamdaman ko ang pagdaloy ng kaniyang
kapangyarihan sa nilalabas niyang aura.
Halos maduwal ako sa sobrang lakas pero pinigilan ko ang aking sarili
dahil ito ay isang senyales ng kahinaan na hindi ko maaring ipakita sa lugar na
ito. Siguradong mamamatay kami ni Edmund
at hindi ko hahayaan na mangyari iyon.
“Edmund,”
wika ng likantropo, “ matagal tayong hindi nagkita. At bakit dala mo ang alagad ng liwanag na
‘yan sa pwader namin? Gumagawa ka ba ng gulo?”
Nakita ko
ang kulay dugong pagliwanag ng kaniyang mga mata at sumalpok ang itim na aura
sa akin. Pisikal kong ininda ang sadyang opensibang ‘yon. Tumulo ang dugo mula sa gilid ng aking bibig,
at nakita ko ang tensiyon mula sa mga nakatunghad na mga nilalang. Nakaamoy sila ng dugo mula sa isang taong
alagad ng liwanag at katakam-takam ang amoy na ito para sa kanila.
Sa gilid
ng aking mata, nakita ko ang pagpipigil ni Edmund. Bago pa lang niya ako dalhin sa lugar na ito,
sinabihan na niya ako sa mga maaaring mangyari, at hindi siya nagkamali. Binigyan nga ako ng isang natatanging
pagsalubong ng kanang kamay ni Prinsipe Alaric.
Subalit
hindi ko hinayaang madehado kami. Hindi niya inaasahan ang madalian kong
pagbalik ng opensiba. Katulad ng itinuro
sa akin ni Etiene, hinugot ko ng buo ang aking emosyon, determinasyon at ang
kung hanggang ngayo’y di ko maunawaang liwanag mula sa aking kalooban. Inipon ko ito sa isang sandali at itinapon sa
likantropo sa pamamagitan ng aking isip.
Pilit ang
ngiting namutawi sa aking mga labi nang makita ko ang pagkabuwal niya at
napaatras ng animo’y isang malakas na hangin. Lumabas ang dugo mula sa kaniyang
ilong at gilid ng bibig. Nang ituon niya ang mukha sa akin, isang
pilit na ngiti rin ang nakasiwang sa kaniyang mga labi.
“Hindi na
masama, Sakranti.”
Dahil sa
likas na mayabang sa puntong pagiging arogante na rin ng mga likantropo,
hinugot ng lalaki ang kaniyang sarili sa tuwid-likod na posturang pagdadala ng
kaniyang dignidad. Lihim akong napahanga
ng likantropong ito. Alam niya kung
paano dalhin ang sarili sa kabila ng halatang pagkatibag ng kaniyang
reserbasyon.
Tumango
lamang ako sa sinabi ng likantropo.
“Ako nga
pala ang magdadala sa inyo sa maaring huli niyong hantungan.” Maski ang
potensyal na pagbabanta ng lalaking ito ay nakukubli ng kaniyang swabeng
pagdadala ng kaniyang sarili.
"Ang
pangalan ko ay Dante."
Pabiro ko
siyang sinaludo at base sa ekspresyon ng mukha niya, nakita kong tumalab
nanaman ang aking talento sa pagpapalabas ng interes ng isang nilalang tungkol
sa akin.
"Mukhang
ayos ka lang," bulong sa akin ni Edmund nang tumalikod si Dante para
pasunurin kami sa kaniya.
Tinanguan
ko lang siya kahit gustong-gusto ko nang hawakan sa mga oras na 'yon ang kamay
niya. Pinilit kong buuhin ang atensiyon
ko sa nakatalikod na pigura ni Dante. Siniseryoso ko ang mga salitang binitawan
niya ilang sandali na ang nakakalipas. Sa paglapit namin sa isang silid, lalo
kong nararamdaman ang pag-igting ng itim na kapangyarihan. Kung ikukumpara sa
mga nauna kong nakaharap na mga nilalang na gabi ang aura ni Prinsipe Alaric na
ang pinakamasangsang. Ibig sabihin nito na siya ang pinakamalakas sa lahat ng
mga nakaharap kong nilalang ng dilim.

No comments:
Post a Comment